Ama
Ikaw ma’y nawala sa
‘ming piling ama
Ay palaging buhay
ang ‘yong ala-ala,
‘di malilimutan
lahat ng nagawa
‘pagkat ika’y mahal
ng iyong pamilya.
Noong ika’y buhay’t
nasa aming piling,
Ay ‘di alintana
anumang darating,
Ulan man o bagyo o
pagkagupiling,
Sakit man o hapis
ay kayang indahin.
Iyong pinipilit,
kami’y mairaos
Sa nararamdamang
pagkakahikahus;
Lakas ng katawan ay
halos maubos,
Inilalaan mo sa
pamilyang kapus.
Naroon man ako sa
‘king pag-aaral
Ay nararamdaman ang
‘yong pagpapagal;
Ang pagsisikap mo’y
‘di matatawaran,
Pawis sa katawan ay
nag-uunahan.
Lagari, martilyo,
katam, at ang pako,
Araro at tabak,
iyan ang gamit mo;
Upang may makain,
kahit na paano,
Gagawin ang lahat,
mahirap man ito.
O, mahal kong ama
nakikita ko pa
Ang ‘yong mga ngiti
kapag Masaya ka,
Ito ay lalagi sa
‘king ala-ala
Magpakailan pa man
ay ‘di mawawala.
‘di ka na babalik,
alam naming iyan
Ngunit sa ‘ming
puso’y ‘di ka mapaparam,
Ika’y aming amang
pinakamamahal,
Sa buhay na ito ay
walang kapantay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento