havens

havens
havens

Lunes, Abril 8, 2013








LANDASIN


Ang dako na naroroon ay hindi ko nalalaman,
Kung ano ang makikita sa tahaking daraanan,
‘di mawari kung ano ba ang doon ay madaratnan,
‘pagkat ang nasa unaha’y pusikit na kadiliman.

Ang landasing tutunguhi’y maari bang mapagmasdan?
Maari bang masilayan kung ano ang pupuntahan?
Ang diwa ba’y malulugod o pag-iyak ang tatahan?
Ano nga ba ang naroon? Puso lamang ang may alam.

Kapagka daw ang isipa’y pinuno ng kaalaman,
Ang landasing tutunguhi’y tiyak na may kagandahan,
Ngunit ang pangyayari ba’y tiyak ang kahihinatnan?
Ang araw na sumisikat, lagi bang napapagmasdan?

Ang isipang walang guhit, o numero, o ng letra,
Landasing tutunguhin nya’y ‘sing itim daw niyong pluma,
Walang kahit anu pa mang kagandahang makikita.
Totoo nga kaya ito? Mag-isip ang bawat isa.

Ang landasing tutunguhi’y walang tiyak na anuman,
Sapagkat ang bawat oras ay katulad ng kawatan.
Marami ang nangyayari ilang segundo nga lamang
Ano pa nga naman kaya ang bukas na inaasam.












Martes, Marso 12, 2013



Salapi


O, saan naroon ang tunay na saya
Ng taong palaging balisa ang diwa;
Halos kahirapan sa buhay ang dala
At wala ni munting ligayang madama?

Ano baa ng lunas ng pagkadalita?
Kaylan baa ng wakas, nasa’n ang ligaya?
Kalungkutang lagging ating nadarama
Nasaan ang wakas, bakit ‘di makita?

Katapusan na ba nitong pagdarahup
Kung aking makamtan perang salup-salop,
Hindi nga ba ito sa’tin maging salot
At magdala sa’tin sa pagiging hayop?

‘pagkat batid nating ditto nagmumula
Mga kaguluhang ating nakikita;
Ang mga pataya’t pagkapariwara
At ang ‘di mabuting pakikipagkapwa.

Sa kabilang banda ito’y nagbibigay
Ng munting ginhawa sa hamak na buhay,
Nakapagbibigay ng kaunting kulay
Sa buhay na ito kahit na may lumbay.


Ama

Ikaw ma’y nawala sa ‘ming piling ama
Ay palaging buhay ang ‘yong ala-ala,
‘di malilimutan lahat ng nagawa
‘pagkat ika’y mahal ng iyong pamilya.

Noong ika’y buhay’t nasa aming piling,
Ay ‘di alintana anumang darating,
Ulan man o bagyo o pagkagupiling,
Sakit man o hapis ay kayang indahin.

Iyong pinipilit, kami’y mairaos
Sa nararamdamang pagkakahikahus;
Lakas ng katawan ay halos maubos,
Inilalaan mo sa pamilyang kapus.

Naroon man ako sa ‘king pag-aaral
Ay nararamdaman ang ‘yong pagpapagal;
Ang pagsisikap mo’y ‘di matatawaran,
Pawis sa katawan ay nag-uunahan.

Lagari, martilyo, katam, at ang pako,
Araro at tabak, iyan ang gamit mo;
Upang may makain, kahit na paano,
Gagawin ang lahat, mahirap man ito.

O, mahal kong ama nakikita ko pa
Ang ‘yong mga ngiti kapag Masaya ka,
Ito ay lalagi sa ‘king ala-ala
Magpakailan pa man ay ‘di mawawala.

‘di ka na babalik, alam naming iyan
Ngunit sa ‘ming puso’y ‘di ka mapaparam,
Ika’y aming amang pinakamamahal,
Sa buhay na ito ay walang kapantay.


Tula

Gawa ng magaling, sa salita’y paham
Ang bawat sabihi’y mayro’ng kaalaman,
Animo’y awitin at walang kaparam
Ang titik at letra ay may kahulugan.

O! iyong arukin ang sa bawat linya
At iyong alamin ang naroong diwa;
Napakalalalim at ‘wag malilisya
Baka kahulugan nito ay maiba.

Ang nais sabihin ng sumulat nito’t
Larawang nais nyang mapasaisip mo,
Ay isinusulat, ipinatitimo;
Magmula sa letra’y nagiging dibuho.

Ipinaaalam ang kanyang damdamin,
Ipinababatid ang ibig sabihin,
Ipinalalagay na wari’y salamin
Ng sangkatauhang puno ng hilahil.

Ano ang narito, bakit kay hiwaga?
Nagiging kanlungan ng mga makata.
Minsa’y hinanakit dito’y makikita,
Minsan ay pag-ibig, minsan nama’y tuwa.